Ang Wakwak sa Gabi
by Hayle
Ang Wakwak sa Gabi
Hindi ko malilimutan ang gabing iyon dahil sa isang kakaibang pangyayaring hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa aking alaala. Noong panahong iyon, nagtipon-tipon kami ng aking mga barkada sa aming bahay upang magkuwentuhan at magsaya. Tahimik ang paligid at halos wala nang taong naglalakad sa labas dahil gabi na. Habang abala kami sa aming kuwentuhan, bigla kaming nakarinig ng isang kakaibang tunog mula sa malayo. “Wakwak! Wakwak!”
Napahinto kami sa aming ginagawa at nagtinginan sa isa't isa. Agad naming nakilala ang tunog na iyon dahil sa mga kuwentong narinig namin tungkol sa nasabing nilalang. “Uy, may wakwak!” sabi ng isa kong kaibigan. Sa halip na matakot, nagtawanan kami at napag-isipang tuksuhin ang nilalang. Hindi rin ako nagpahuli sa kanila. Buong tapang akong sumigaw patungo sa direksiyon ng tunog.
“Wakwak! Bumaba ka riyan! Halika rito at tatabangan ka naming!” Patuloy kaming nakinig sa paligid. Maya-maya, tila nagbago ang tunog at para bang lalong lumalapit sa aming kinaroroonan. Nagsimula nang mapalitan ng kaba ang aming mga tawanan. “Hala! Parang nagalit na yata iyon!” sabi ng isa kong barkada.
“Uwi na tayo! Baka kung ano ang gawin niyan sa atin,” dagdag pa ng isa. Dahil dito, nagpasya kaming umuwi na. Pagdating ko sa aming bahay, agad akong dumiretso sa aking higaan. Pagod na pagod ako kaya sinubukan kong matulog at kalimutan ang nangyari. Ngunit hindi pa nagtatagal ang aking paghiga nang biglang umuga nang napakalakas ang aking higaan. Lalo akong natakot nang maramdaman kong pati ang haliging malapit dito ay tila niyuyugyog.
Hindi ko maintindihan kung ano ang nangyayari. Naisip ko agad ang wakwak na hinamon namin kanina. Kinabukasan, agad kong tinanong ang aking ina kung naramdaman din ba niya ang pagyanig noong nakaraang gabi. “Ma, naramdaman mo ba na umuga ang bahay kagabi?” tanong ko. “Hindi naman. Bakit, anak?” sagot niya.
Lalo akong nagtaka dahil malinaw na malinaw sa akin ang pag-uga ng aking higaan at ng haligi. Nang muli kong makita ang aking mga barkada, tinanong ko rin sila kung naranasan ba nila ang ganoon. Ngunit sinabi nilang wala naman silang naramdaman. Doon ko naisip na baka ako lamang ang ginantihan ng wakwak dahil ako ang nanguna sa paghahamon dito. Hindi ko alam kung paano nangyari iyon, ngunit ang sigurado ako ay labis akong natakot noong gabing iyon.
Mula noon, hindi na ako basta-bastang nanghahamon sa mga bagay na hindi ko nakikita o nauunawaan.
Sharing
Hint: Share your story using this link
